Sa Kabilang Dako
Kagagaling ko lang kanina sa Seattle's Best kasama ang Kuya Robert ko. Matagal din kaming hindi nakapagusap. Sa loob ng isa't kalahating oras marami din kaming nasilayan na isyu, problema, solusyon, pangarap. Ngunit ito siguro ang pinakamahalagang bagay na naisip ko, at inamin ko kanina:
Masyado akong makasarili.
Napakarami kong gusto, hinihingi. Nasanay akong humiyaw at magreklamo ng kaunti.
Ngunit hindi ako natutong magpasalamat ng tama, ng mabuti, ng may sinseridad.
Ika 2 na ng umaga, inaantok na ako, ngunit kinakailangan ko itong ibanggit, mangyari lang na tumatak ito sa ulo.
Katulad na lamang sa nanay ko.
Araw at gabi siyang nagpakahirap sa ibang bansa upang matustusan lamang ang pag-aaral ko.
Pera, pagkain, damit, kotse, laptop, cellphone, iPOD, paglakbay, CD, tsokolate, lahat ng hiningi ko.
Hindi siya nagkulang.
Ngunit ang magsulat ng isang mahusay na akda ng pasasalamat, hirap na hirap ako. Ang dami kong palusot. Ang dami kong ginagawang iba. Ang dami kong prayoridad. Ang daming humahadlang sa isang napakasimpleng
SALAMAT.
Bagamat nakukuha kong magpasalamat, hindi pa rin ito sapat upang ipakita ko sa kanya ang intensyon kong mahalin siya kahit 3000 milya ang agwat naming dalawa.
Sa buong buhay ko tumatanggap ako ng biyaya galing sa isang dakilang tao na tinuring ako bilang kanyang ilaw, kanyang kasiyahan, kanyang bunga, kanyang ANAK.
At tumatak sa isipan ko ang laki ng pagkukulang ko sa kanya.
Sa buhay ko ang dami kong inaasam na pangarap. Pera lang ang katapat. Mag-iipon ako. Dadagdagan na lang ng magulang ko. Magsisikap ako at ipapakita ko na mahusay ang aking marka bilang katwiran sa
Isang balikbayan box.
Isang matabang bank account.
Limang kahon ng SPAM.
Limang trak ng tsokolate.
Katapat ng isang sulat.
Katapat ng tatlong salita: I Love You
Lima kung dadagdagan mo ng Very Much.
Nasanay ako sa kanyang pagtawag bawat linggo, na babanggitin ko kung anong nangyari sa pitong araw, magpapasalamat ng automatic para sa kanyang suporta at pagmamahal, at ipapasa ang telepono sa Tita ko.
Mahigit 15 taon ang rutinang ito.
Ang mga sulat ko sa kanya at mga litratong pinadadala ko ang nagsisilbing inspirasyon upang makaraos siya sa tindi ng kanyang trabaho at sa kawalan ng pahinga. Sulat na kanyang dinudugtong upang matanaw ang buhay na hindi niya nasaksihan.
Sa pagpasok mo sa kanyang kuwarto, wala kang makikita kundi mga litrato ng kanyang anak, nakadikit sa dingding, sa kisame, sa tabi ng TV, sa itaas ng mesa, sa unan ng kama.
Larawang nagsasalaysay ng isang batang lumaking walang ama, wala sa piling ng kanyang ina, ngunit nagsipag at hindi napasama.
Sa kanyang paghiga samut-saring sakit ng katawan o allergy ang aatake sa kanya, bunga ng 12 oras ng pagupo sa opisina, sa pagpindot sa keyboard, sa pagkahilo sa pagtingin sa balance sheet at income statement ng kompanya.
At nandito ako, babad sa lamig ng aircon, sa tabi ng sigarilyo, nagatatago sa init ng araw, iniisip ang gagawin para sa susunod na gimik.
Mahal ko ang mama ko. Ngunit ang bawat pagkakamali ko ay lagi kong tinatakpan ng medalya o sertipika ng tagumpay sa eskwela. Kasabay nito ang isang bagong bilin, matapos ang konting pa-Good shot sa kanya.
Ang Tita ko.
19 taon niya akong inakay, pinalaki, pinagduunan ng pansin, tiniis, ipinagmalaki. Ngunit katapat nito ang sakit ng ulo, kunsumisyon, pagalit at pasakit sa bawat pagsagot, sa bawat reklamo, sa bawat paglapat ng kamay kong humihingi ng allowance, kahit wala na sa budget.
3 taon ko siyang tinakot at pinakaba sa bilis ng pagmamaneho ko.
2 taon siyang nanghinayan sa baba ng marka ko sa skwela.
Higit apat na taon ko siyang iniiwan ng maduming laba, at sa kanyang pagkusot, nakahiga ako sa sopa't nanonood ng CNN o MTV.
At marami pang ibang pagkukulang.
Masyadong mahaba ang listahan ng kanyang ginawa para sa kin. Tulad ng mama ko, ganoon din ang kanyang kuwento.
Oo, marami akong pagkakamali.
Ngunit sinikap ko namang maging mabuting anak.
At sa kanilang opinyon, ganoon naman ang kinalakihan ko.
NAGAALALA LANG AKO NA BAKA DUMATING ANG PANAHON NA MAWALA SILA BIGLA.
NA HINDI KO NAIPAKITA ANG AKING PASASALAMAT AT PAGTANAW NG UTANG NA LOOB.
Sa ngayon gusto ko silang hagkan, halikan at sabihan ng buong loob na mahal ko sila.
Sana marami pang pagkakataon upang mangyari ito.
WALA NAMAN KASING PERMANENTE SA BUHAY NA ITO.
Sa Pasko, magkikita na kami ni Mama.
Nais ko lang na kahit sa loob ng dalawang linggo, maipakita ko sa kanya ang tuwa, pasasalamat at saya na kanyang dinulot, at mailahad ang 19 taon na paglakad ko sa mundo. Na buong puso ko siyang tinatanggap, na hindi ko siya sinisisi na wala siya nung birthday ko, nung nadapa ako, nung grumadweyt ako.
GUSTO KONG BUMAWI. GUSTO KONG MAGPAKATAO.
AYOKONG MADALA NG POOT AT HINANAKIT.
Hindi lang siya taga-tae ng pera para sa kapritso ko.
Hindi ko sinisisi ang kapalaran kung bakit lumaki akong walang ama. Wala akong kailangang ireklamo. Ipinaglaban nila ako. Minahal nila ako.
Kailangang suklian.
Dapat.
==========================
Tanging anak lang ako, ngunit pinagkalooban ako ng maraming kaibigan at kasama.
Hindi ako lumaking salimpusa o nag-iisa.
Sa kanila rin may pagkukulang ako.
Dumating ako sa punto na ang mga taong inalayan ko ng tuwa, galit, pag agam-agam o paggalak ay naging dekorasyon lamang sa corridor ng Unibersidad. Hindi na daw ako ang dating nakilala nila. Panahon din ito na nagsarili ako upang makapagisip (?) o makatakas lang sa gulong pumalibot sa kin.
Malaking pasasalamat pa rin ako sapagkat bahagi pa rin ako ng kanilang barkada, ng kanilang katuwaan, kalokohan at kalungkutan.
Iba pala ang ganda ng matinding samahan.
Sa huling taon na to nais ko na sa bawat pagsulyap, pagbati o pagsama sa kanila ay makilala ko sila ng mabuti, makita ang ganda na nagmumula sa kanilang kalooban, at maipakita ko kung gaano kahalaga sila sa buhay ko. Hindi ko sinasabing akakayin ko ang kanilang problema, o pakikinggan ang lahat ng kanilang salita. Sapat na ang malaman nila na masaya ako sa bawat oras na magkasama kame.
Na tao din sila, na kailangan ang lahat ng ngiti, akbay, tawa na maari kong ibigay.
Na hindi ko sila ibabaon sa limot matapos ang napagdaanan.
Na pinagsisihan ko ang panahong naging palalo o apatetiko sa salita at sa kilos ko.
Na sabik akong makatabi sila sa klase, sa lib, sa SPG, o sa Starbucks.
Sana'y tanggapin nila ang munting hangad ko. Tama na ang pagtampo.
==================================
Mahaba ang listahan, kakaunting panahon ang natitira.
Ngunit kaya ko pa.
Mawawala na ang ulap.
Tapos na ang paglugmok sa isang madilim na kanto.
Pucha ang senti nito. Pasensya.






3 Comments:
That's a great story. Waiting for more. Mortgage broker san antonio Debt consolidation huntington beach Teens and oxycontin eva home mortgage united kingdom tips mortgage refinancing3524 home mortgage refinancing santa paula64 Xerox 7700 printer adjustable rates mortgage
Best regards from NY! »
Where did you find it? Interesting read http://www.credit-score-8.info/fico-alachua-county.html acuvue contact speeches by basketball players internet colorado based merchant account Buy adipex meridia http://www.plastic-surgeons-2.info/Orlando-golf-trade-show-2006.html Consumer+reports+cell+phone+plans http://www.baseball0.info/golf-team-scorebook.html find unlisted cell phone numbers Last minute golf vacation Slave sex free http://www.street-hockey.info/Florida_golf_course_guide.html http://www.kansas-city-cooking-school.info/Ranking-of-culinary-school-in-america.html los roques camping Readers discount eyeglasses
Post a Comment
<< Home